Monday, August 31, 2009

AKO, IKAW, TAYO BILANG ISANG ESTUDYANTE

Pasukan na naman!!!
Kay sarap pakinggan ang pagdating ng araw na ito. Bawat isa ay may kanya kanyang paghahanda, muli na naman magkikita ang mga magkakaibigan.
Paano nag ba ang buhay bilang isang mag-aaral?
Para sa akin ang pagiging estudyante ay sadyang makabuluhan dahil dito na halos umiikot ang ating buhay at nagsisilbing pangalawa nating tahanan. Ito ay isang pagsubok na dapat natin harapin at may mga tungkulin din tayong dapat gampanan. Ito ay isang malakingresponsibilidad para sa atin.
Masarap ang maging estudyante. Dahil dito hinuhubogpa lang tayo para madagdagan ang ating kaalaman at upang malaman kung hanggan saan ang ating kakayahan. Bukod pa rito ay makakakilala pa tayo ng mga panibagong kaibigan na makakasama natin sa araw-araw at mga guro na matiyagang nagtuturo sa atin na tinuturing natin pangalawang magulang sa paaralan.
Minsan may kalokohan din naman nagagawa. Hindi naman natin maiiwasan yun dahil bahagi na yun ng ating buhay bilang isang estudyante. Kung minsan naman ay hindi natin inaalam kung hanggan saan ang ating limitasyon. Marami na tayong nagagawa na hindi tama, tulad ng pagcucut ng klase para gumimik, mag-inom at ang iba naman ay gumagamit ng pinagbabawal na gamot.
Bakit nga ba may lumalampas sa limitasyon bilang estudyante? Bakit mas marami ang gumagawa ng mali kaysa sa tama? Bakit nga ba may mga estudyante na naliligaw ng landas at pinapabayaan ang kanilang pag-aaral?
Masuwerte pa nga tayo dahil binigyan tayo ng pagkakataon na makapag-aral. Isa na itong malaking oportunidad para sa atin. Marami nga dyan mga musmos pa lang ay naghahanapbuhay na upang sila ay may makain. Hindi rin sila makapag-aral kahit gustuhin man nila dahil sa kahirapan ng buhay. Hindi ba nila naisip ang paghihirap na ginagawa mg kanilang mga magulang upang makatapos sila ng pag-aaral, upang magkaroon ng magandang edukasyon at hindi rin ba nila inuunawa ang mga pangaral at payo na ibinibigay ng ating mga guro.
Ako!!! Inaamin ko mahirap talagang maging isang estudyante. Pero kakayanin ko. Di ba walang mahirap sa taong may pagsusumikap, kailangan lang ng kaunting tiyaga, ayon nga sa kasabihan “kung may tiyaga may nilaga”. Mas mahirap ang walang tinapos.
Mahirap madaliin lahat ng bagay. Ako masyado ko minadali lahat. Kumuha ako ng dalawang taong kurso sa pag-aakala na pagkanakatapos ako ay magagamit ko ang aking napag-aralan. Pero hindi pala, mahirap pala makipagsabayan sa mga apat na taong kurso.Kaya ang binagsakan ko production operator sa isang malaking kompanya.
Nakakatawang isipin di ba, nakatapos ako pero pagiging operator lang yun posisyon na qualified sa akin. Tinanggap ko yun, mahirap din naman kasi na tambay ka lang. Ayoko din naman na umasa pa sa akin mga magulang. Mahirap pero kinaya ko. Hindi ko pinagsisihan na yun ang una kongpinasukan na trabaho dahil don ako natuto.
Kaya heto ako ngayon muling ipinagpatuloy ang aking pag-aaral para mas makahanap ng mas magandang trabaho. Hindi ko na sasayangin ang pagkakataong ito.
Bilang estudyante, okay lang na minsan gumawa tayo ng kalokohan at may karapatan din naman tayo na i-enjoy ang buhay natin bilang isang estudyante. Hindi naman tayo pipigilan na gawin yun. Basta ito lang ang dapat natin isa-isip at tandaan hwag tayong lalampas sa ating mga limitasyon. May mga responsibilidad, tungkulin at patakaran tayong dapat sundin.
Pinag-aaral tayo ng ating mga magulang upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Nagsusumikap sila na mapagtapos tayo kahit na napakahirap kaya dapat din tayong magsumikap na abutin ang mga pangarap nila sa atin bilang ganti sa kanila. Dapat din natin bigyan pagpapahalaga ang ating mga guro na matiyagang nagtuturo sa atin, irespeto natin sila katulad ng pagrespeto natin sa ating mga magulang.
Sa mga kapwa ko mag-aaral. Mga bata pa tayo kaya hwag natin sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin upang wala tayong pagsisihan sa huli. Tayo bilang estudyante ay may kanya kanyang tungkulin dapat gawin. Sama-sama natin abutin ang ating mga adhikain upang magkaroon tayo ng magandang edukasyon na maipagmamalaki natin.
akda ni: Jennifer C. Salabsabin

2 comments:

  1. ganda poh xuper,,,tayong lahat pagtbayin natin ang xarili natin kea natin magaral at maka2tapos tayo

    ReplyDelete
  2. salamat sa maganda mong write up napaka ganda talaga !!! at ang laman ay katotohanan din !!!

    ReplyDelete